Sunday, July 4, 2010

Puting Paru-paro

By: Kenny Lloyd L. Angon

Kabanata 1. Sa mata ng bata, may muta.

Mag-aalas tres na ng hating gabi ng ika-28 araw ng Hulyo, taong isang libo siyam na raan at siyamnapo, sa isang maliit na bahay-kubo sa tapat ng isang malawak na lupain ng Pamilyang Ang sa probinsya ng Sigamoy, Ilocos Norte, himbing na himbing sa pagtulog ang magkabiyak na sina Enteng, at Julia na halos siyam na buwan ng nagdadalang-tao.

Napakalalim ng kanilang pagkakidlip. Sa sobrang lalim e ang tanging ingay na naririnig ay ang mga kuliglig at ang pagaspas ng hangin. Sadyang napakatahimik ng gabing iyon, ngunit ang katiwasayang ito ay nabulabog ng biglang sumigaw si Julia.,“ Enteng! Ang anak mo mukhang lalabas na! Enteng! Manganganak nako! Sa sobrang lakas ng kanyang pagkakasigw, nagulantang si Enteng na naging dahilan rin para siya’y mahulog sa kanilang higaan.

“A..aray ko! Ang sakit ng balakang ko. Aray!”, reklamo ng ginoo. “Ano ka ba naman Enteng, inuuna mo pa yang balakang mo! Manganganak na ako! Tawagin mo na si Aling Kuring! Bilisan mo!”, pasigaw na utos ni Julia. “O…o sige aalis na ako. Junior, huwag muna ha. Hintayin mong makarating si Nay Kuring. Sandali lang ako. Anak ha?, pakiusap ng ama sa papalabas na sanggol sa sinapupunana ng asawa. “Ayan na mukhang lalabas na talaga! Tawagin mo na siya. Bilis!” sigaw ng ale.

Kumaripas ng takbo si Enteng patungo sa kubo ng nagiisang kumadrona sa kanilang barrio. “Aling Kuring, Aling Kring! Iyong asawa ko po’y manganganak na!”, sigaw ng mama sa labas ng kubo ng matanda. “Aba’y sino ba yang maingay sa labas? Ang aga-aga nandidisturbo kayo ng tulog! Sino ba yan?” naiinis na sambit ng matanda. “Aling Kuring, si Enteng po ito. yong asawa ko po na si Julia ay manganganak na. Halina na po kayo. Bilisan po natin!” nagmamakawang humingi ng tulong si Enteng. Pagkabukas ng pinto’y, lumantad ang mabilis na nakahandang si Aling Kuring bitbit ang lahat ng kailangan. Sa dami ng dala niya, nagmukha siyang sundalong handang-handa ng sumabak sa gyera. “Salamat po! Maasahan po talaga kayo Nay Kuring. Tara na po. Baka kung ano nang nagyari sa mag-ina ko”, sambit ni Enteng sabay hablot sa braso ng matanda para silay lumakad na pabalik sa kaninlang bahay.

Sa parehong pagkakataon, naghihingalo naman sa sobtrang sakit si Julia.sa kawayang sahig ng kanilang tahanan. “Aray ko! Anak, kunting hintay pa. Parating na ang ta..tay mo!”, pakiusap ng buntis. “Enteng!” sumigaw ng napakalakas si Julia na umabot hanggang sa may kubo ni Aling Kuring. “Julia! Si Julia po iyon. Bilisan na po natin!” nangangabang sabi ng ginoo.

Nang halos ilang hakbang na lamang ang layo ng dalawa sa kubo, “Julia, mahal ko! Andito na kami. Julia, Julia!” sigaw ng kanbiyak. Pagkabukas niya ng pinto, nagulat siya ng bumungad sa kanyang harapan ang kanyang asawang duguan na ang ibabang bahagi ng katawan at naipanganak na nito ang kanilang panganay.”Uwa, uwa, uwa”’iyak ng sanggol. Di makapaniwala si Enteng sa naturang kaganapang kanyang nasaksihan kaya’y di nito kinaya at nawalan ito ng lakas at napaatras palabas ng pintuan at natumba sa may hagdan. “Enteng! Anong nangyari sa iyo? Enteng!” tanong ng matanda. “Nay, lumabas na po iyong bata. Na…nanganak na po si Julia. Puntahan niyo na po sila sa loob. Bilisan niyo na po! “kinakabahang sumagot si Enteng. Mabilis na pumasok ang kumadrona at walang atubiling nilapitan ang mag-ina. Sa paniniwalang nahimatay lang ang babae, unang inasikaso ng matanda ang bata at tsaka tiningnan ang kundisyon nito. Napansin niyang muli na itong nagising kaya’y kinausap niya ito. “Julia, si Aling Kuring ito. May nararamdaman ka pa bang masakit?”, tanong ng komadrona. Kahit nahihirapan pang magsalita, pinilit niyang sumagot sa nagtatanong na komadrona, “ Ma…masakit pa po yong puson ko. A…ang anak ko po, si Enteng, ang asawa ko, nasan sila?”. “ Heto ang panganay niyo. Malusog na batang lalake. Mukhang nagmana ata sa itay niya.” Nakangiting inilagay ng matanda ang sanggol sa tabi ng kanyang ina. Masayang-masaya niya itong hinaplos-haplos. So sobrang kagalakan, di niya napigilan ang pagpatak ng kanyang luha. “Uwa…uwa..uwa” , pati ang bata’y nakipagsabayan sa kanyang pagiyak.. “Pakitawag po sa asawa ko” pakiusap ni Julia.

Lumabas ng bahay ang matanda at ilang beses tinawag si Enteng. Nang mapansin nitong hindi siya kumikibo, mabilis nitong nilapitan ang ginoo at sinabing, “ Enteng, anong nangyayari sa’yo? Tumayo ka na. May junior kana. Enteng, kailangan ka ng mag-ina mo!” “Uwa..uwa..uwa” muli nanamang napaiyak ang sanggol. Ang hagulgol ng bata ay animo’y nagsilbing isang gamot na siyang biglang nagpabalik kay Enteng sa kanyang sariling ulirat. “Anak! Anak ko.” Hinanap nito ang pinagmumulan ng pag-iyak. Pagpasok niya ng kubo, masayang-masayang niyang hinagkan ang kanyang kakapanganak pa lamang na anak. “Nay, si Julia po, kumusta?” tanong ng ginoo. “Kanina pa nga kita tinatawag, mukhang maayos naman siya. “Julia, mahal kong Julia, anong nararamdaman mo? May masakit pa ba sa’yo?. Ang poging-pogi ng anak natin. Manang-mana sakin pero yong mata mukhang nakuha niya mula sa iyo”. “E…Enteng, A..ang gwapo nga ni Romeo. Oo, Ro..Romeo ang nais kung ipangalan sa kanya.” Abot tenga ang ngiti ng lalake habang siya’y titig na titig sa karga-kargang bata. “Oo, magandang pangalan nga iyan, diba mahal kong Romeo?”

“Nay Kuring, maraming-maraming salamat po. Heto po, kakaunting halaga lang po iyan pero malaki-laki narin naman po siguro ang maitutulong niyan sa inyo. Pagpasensyahan niyo na po kung iyan lang ang nakayanan ko. Gipit na gipit po kami ngayon.”,taus-pusong nagpasalamat ang ginoo. Agad namang sumagot ang matanda, “Aba’y Enteng, walang anuman. Bahagi na rin itong pagpapaanak sa mga paraan ko ng pagtulong sa mga kababayan natin. Tsaka, heto kunin mo itong salapi. Hindi mo na ako kailangang bayaran, mas mabuti pang ipangbili mo iyan ng gamit ng anak mo.” Ibinalik nga ng matanda ang pera at nagsimula na itong magligpit at nagbigay ng mga paalala kay Julia para mawala na ang pananakit ng kanyang katawan pati narin sa mga paraan ng pagaalaga sa bata.

Habang naghahanda na sa pag-uwi, may narinig silang parang isang kapitbahay na halatang-halatang nagmamadali at kumakaripas sa pagtakbo na parating. “Tok tok tok” malalakas na katok ang sumunod na ingay na kanilang narinig “Aling Kuring, Aling Kuring! Manganganak na po ang asawa ko.”,mabilis na nagsalita si Mang Jose, isa sa 3 matatalik na mga kaibigan ni Enteng. Binuksan ng matanda ang pintuan.”Kailangan ko ang tulong niyo. Halina na po kayo. Ako na po ang bahalang magdala ng mga gamit niyo. Tayo na po!.”,kitang kita sa mukha ni Mang Jose ang kaba habang kinukumbinsi ang komadrona. Di naglaoy, mabilis ding nakaalis ang ang matanda at ang kaibigan ni Enteng. Maya-maya, dumating naman dalawa pa niyang kababata at kaibigang sina Mang Adolfo at Mang Crisostomo at parehong si Aling Kuring ang hinahanap nila. “Mukhang may mga makakalaro na ang anak natin.”, aniya ng ina ng bata. “ Mukha nga! A..e .. Julia, sa’yo muna itong si Romeo, ipaghahanda lang kita ng almusal.


Kabanata 2. Sampung mga daliri, Kamay at Paa

Tiktilaok!…Tiktilaok! Panay na ang pagtilaok ng mga alagang panabong ng mga tiga baryo. “Romeo! Gumising ka na anak. Mahuhuli ka na sa klase. Sige ka kapag di ka pa bumangon diyan, wala kang baon ngayon. Sige na anak, bangon na.” Pilit ginigising ni Julia ang anak. “Ayoko pa po. Inaantok pa po ako.” Nagrereklamong sabi ni Romeo. “Inaantok o tinatamad ka lang talagang pumasok ha?” Kiniliti nang kiniliti ng ina ang bata para mapilitan na itong bumangon. Masayang-masayang pinagmasdan ni Enteng ang asawang naglalambing sa kanilang nag-iisang anak. Wala ring nagawa ang bata kundi sumunod at maghanda na sa pagligo.

Pagkalipas ng ilang minuto, nakaligo na si Romeo at pumwesto na ito sa hapag-kainan. Maya—maya, inilabas na ni Aling Julia ang ulam na paborito ng bata, itlog. “ O, ayan anak ipinagluto kita ng paborito mo. Inihanda ko na rin ang baon mo kanina na may kanin at ulam na isda at gulay. Ubusin mo iyon anak ha?”masayang ibinida ng ina ang pagkaing niluto.” Opo inay! Basta ikaw ang nagluto, ubos yan sigurado.”nakangiting sumagot ang anak. “Ayan kainan na.”, ika ni Romeo. “Ops ops..may nakalimutan ka. Nakalimutan mong magdasal bilang pagpapasalamat sa Diyos sa mga biyaya niya” paliwanag ama sa anak.

Nang mag-aalas sais na, dumating ang mga kaibigan niya na siyang araw-araw niyang kasabay pumasok sa paaralan. Unang dumating si Julio, pangatlong anak ni Mang Jose. “Tao po? Mang Enteng, Aling Julia nakaalis na po ba si Romeo?, tanong ng isang pamilyar na boses. Sinilip ni Enteng kung sino ang nasa labas at sinabing,” “Uy Julio, ikaw pala yan. Andito pa si Romeo, kakatapos lang niyang kumain. Halika pasok ka.”, pagiimbita ng ginoo. “A e hindi na po. Dito na lang po ako sa labas maghihintay. Wala pa din naman po yong ibang kaibigan namin. Aabangan ko nalang po sila.”, pagtanggi ng bata. “ Sige ikaw ang bahala. Romeo, Romeo bilisan mo na diyan at naghihintay na dito sa labas si Julio.”, malakas na sabi ng ama sa kanyang anak.

Pagkalipas ng limang minuto, lumabas na rin si Romeo ng bahay. Tyempo namang paparating na rin si Kiko, ang panganay na anak ng isa sa mga kababata ni Mang Enteng na si Mang Adolfo. “Romeo, Julio andito na ako!”, sigaw ng batang paparating. “Mabuti naman at nakahabol ka pero, parang kulang pa ata tayo, nasaan na si….”, nagtatakang sabi ni Romeo. “ Nasaan na si Gregorio? Mag-aalas sais kinse na, wala pa siya?”, dagdag ni Kiko na hingal na hingal pa pagkatapos tumakbo ng malakas. “Aba kung magreklamo ka e parang kanina kapa dumating a. Kakarating mo lang kaya! Ni hindi mo nga maayos ang pagsasalita mo dahil sa hingal at pagod.”, tumatawang sabi ni Julio kay Kiko.“”Hay naku, tama na nga iyan! Di na kayo nasanay sa kaibigan nating iyon, e palagi namang huli yon e. Sige na alis na tayo.”, ika ni Romeo. “ Sige na nga!”, sabay na umayon ang dalawa sa suhestyon ng kaibigan.

Sa kanilang paglalakad, suot suot nila ang kanilang mga tsinelas na halatang-halatang ilang taon na nilang hindi napapalitan. Pero di na nila ito pinapansin, basta meron, iyan ang importante sa kanila. Wala na silang pakialam kung bago o luma na ito basta makapasok lang sila sa paaralan.

Para di mabagot sa kanilang paglalakad, panay ang pagbibiroan ng mga bata. Kadalasan, si Gregorio at ang iba pa nilang kaklase ang napag-uusapan nila. Kung di man nagbibiroan at nagkwekwentuhan, naglalaro sila ng pabilisan sa pagtakbo o kaya’y pasahan ng bolang gawa sa dahon ng buko.

Araw-araw, halos limang kilometro ang nilalakad nila papunta ng paaralan. Tinatawid nila ang dalawang sapa at inakyat ang apat na burol.. “Hahay! Hanggang kailan kaya ganito ang paraan para makarating sa paaralan at maging sa bayan?, tanong ni Gregorio. Baka pati mga magiging anak natin e maranasan parin ang paghirap na ito?, wari ni Kiko. Wala na ba talagang pwedeng magawa ang mga tao lalo na ang gobyerno para naman mas mapadali ang ating mga gawain?, tanong ni Romeo. “Sa tingin ko’y meron magagawa kung mayroong kagustuhang ito’y gawin” Pero mukhang matatagalan pa ata mukhang pinababayaan na tayo ng mga pulitiko. Pagkatapos nila tayong pangakoan ng napakaraming proyekto, ni isa asa maga ito walang napatupad. Hay naku!” idinagdag ni Romeo. Sa loob ng mga tatlumpong minutong lakaran, narating rin nila ang Mababang Paaralan ng Sigamoy

Simple lamang ang naturang paaralan. May anim na silid-aralan. Bawat isa ay para sa isang lebel. Pero, ang mahirap dito ay umaabot sa walumpong estudyante kada klase. Malaki ang populasyon ngunit limitado lang ang aklat at iba pang materyales sa pagtuturo. Dahil konti lang ang upuan, ang iba ay napipilitang umupo nalang sa sahig. Di naglaoy, nagsimula na ang klase, “ Magandang umaga mga bata.”, bati ng guro sa isang tumbok ng estudyante.

Kabilang ang magbabarkada sa ika-anim na baitang kung saan ang kanilang guro ay ang kinakatakotang si Bb. Valencia. Sa tuwing nasa loob ng silid si Bb. Valencia, ni katiting na ingay, wala kang maririnig. Para bang, sila’y nagiging pipi. Minsan lang kung magsalita depende kung sinabihan ng guro o sa tuwing meron debate at iba pang aktibidades. Gaya ng inaasahan nila, nahuli nanamang pumasok sa klase si Gregorio, ang bunsong anak ni Mang Adolfo. Dahil sa hiya at takot, dahan-dahan itong pumasok ng silid habang nagsusulat pa sa pisara ang guro. Para di mapansin, nagawa pa nitong gumapang-gapang sa gilid ng mga kaklase sabay senyas na huwag silang mag-iingay. Pero kahit anong gawin niya ay nahahalata parin siya ng guro. “Hahay naku! Wala talagang pagbabago itong si Gregorio, palagi nalang nahuhuli sa pagpasok.” Pagalit na sabi ng guro. Tumawa ng napakalaakas ang buong klase pati sina Kiko, Romeo at Julio’y di napigilanag humagikgik. “Bakit kayo tumatawa? Tahimik! Tahimik!” sigaw ng guro sabay hampas kanyang daldalng patpat sa kanyang lamesa. Biglang natahimik ang klase. Ganyan talaga basta’t nagtuturo ang gurong ito, lahat ng mata’t tenga’y nasa kanya. Ngunit, kahit ganoon man, sa sobrang disiplinado ng guro ay naiimpluwensyahan niya ang kanyang mga estudyante na mas makinig at mag-aral ng mabuti.

Kling……Kling….., tumunog na ang “maliit na kampana. “Salamat naman, uwian na. Hahay! Di na talaga nagbago si Ma’am.”, ika ni Julio. “ Masyadong tradisyonal. Siya nalang palagi nagsasalita. Di niya hinahayaang makapagsabi tayo ng ating mga opinyon.” , reklamo ni Kiko.” Mga kaibigan, hayaan niyo na lang. E sa yan ang sa tingin ni ma’am na paraan para matoto ang mga estudyante niya abay pabayaan niyo na. Huwag niyo na nga iyang problemahin, halina kayo. Umuwi na tayo”, suhestyon ni Romeo.” Tahimik namang sumunod si Gregorio na hindi parin nawawaln ng pagkahiya sa naganap sa loob ng klase.

Habang naglalakad na pauwi sina Romeo, puspusan naman ang pagbebenta ng gulay ni Aling Julia sa Palengke sa bayan. “Ale, manong,..Bili na po kayo ng gulay. Preskong-presko na, mura pa. Dito na po kayo mamili. O suki, anong bibilhin mo ngayon?, tanong ng tindera. “Pasensya na, sa susunod na lang. Medyo kinulang na yong kita ko. Babalik nalang ako sa susunod.”, sagot ng mamimili.

“Hay naku! Ang hina-hina naman ng benta ngayon. Mas maigi ata ng ilako ko nalang ang mga ito sa daan pauwi.”, sabi niya sa sarili. “Ale, manong,..Bili na po kayo ng gulay. Preskong-presko na, mura pa. Bili na po kayo. Uy! Mareng Martha, andyan ka pala. Bibili ka ba ng gulay ko?, tanong ni Julia sa kusinera ng Pamilya Ang. “Oo mare, kailangan ko ng repolyo, kerot, at pipino, tig-dadalawang kilo. Pati narin ang kamatis, bawang at sibuyas, tigdadalawang supot. Dagdagan mo narin ng tatlong kilo ng kalamansi.” Iyan lang Mareng Julia.”, wari ng kumare. “Mukhang madami-dami tong pinamili mo, may handaan ba sa mansyon?”, tanong ng tindera. “Oo mare! Ngayon kasi ang kaarawan ni Doña Victoria kaso nga lang may problema, nagkasakit ang tigaluto namin, naghahanap nga ako ng pwedeng pumalit sa kanya e. Oo nga pala, diba masarap ka magluto. Natikman ko yong luto mo nong pista sa bahay ng mga Alfonso. Diba ikaw ang tigaluto doon?”, tanong ng kusinera. “Oo pero a e kasi..” nahihiyang sabi ni Julia. “A basta alam ko masarap ka magluto. Sige na ikaw nalang pumalit sa kanya. Sigurado malaking ibabayad sa iyo ng amo namin.”, pangungubinse ng ale. “Pero pa’no itong paninda ko. Dapat maibenta ko ito lahat” ika ni Aling Julia. “Sige! Papakyawin ko na lahat iyan para makaalis na tayo.”, sagot ng kausap. Mabilis na binitbit ng dalawa ang mga paninda patungo sa mansyon. At dooy sinimulan agad ni Aling Julia ang pagluto ng handa ng Pamilya Ang sa gaganaping selebrasyon ng kaarawan ni Doña Victoria sa kanilang sariling hardin.

Sa kabilang banda, si Enteng naman ay nagsisimula na sa kanyang paghahanda sa paguwi pagkatapos ng buong maghapong pag-aararo sa lupain ng mga Ang kasam ang kayang algang kalabaw na si Manolo. Ika niya, ”Hay salamat! natapos rin. Aray! Mukhang sinusumpong na naman ang likod ko. Makapagpahinga na nga muna at makapaghanda na sa pag-uwi. Ikaw Manolo napagod ka ba? Pasensya ka na ha. Wala tayong magagawa kundi ang magsaka lang. E wala namang ibang pwedeng pagkakitaan dito. Wala namang ibang trabahoong pwedeng pasukan. Tiis lang Manolo. Hayaan mo ipaghahanda kita ng maraming damo mamaya. Kumusta na kaya si Romeo, nasa bahay na kaya iyon? Si Julia, may nabenta kaya? Mabilisan na nga lang itong pagliligpit para makauwi na kaagad tayo.”

Habang nagluluto, nagkwentuhan ang magkumare tungkol sa pamilyang pinagsisilbihan nito. ”Ang magasawang Tsinoy ay nagkaroon ng tatlong anak na pawang may sariling pamilya na. Ngayon nga lang sila babalik dito pagkalipas ng maraming taon.”, kwento ng ale. “A talaga. Siguro masayang –masaya si donya…” naputol ang kanilang usapan ng narinig nila ang mayamang amo natinatawag ang kanilang panagalan. “Julia, Martha? Julia at Martha, kayo dala inyo anak at asawa dito bahay maya gabi. Dito kayo kain inyo hapunan. Hinatayin ko sila dating dito ha. Huwag kayo hiya samin. Ako dapat pasalamat inyo.”wari ni Doña Victoria na animoy barok kung magsalita dahil mga dalawang taon pa lang sila dito sa Pilipinas. “ A e ma’am huwag na po siguro, nakakahiya sa mga bisita niyo.”, magalang na sagot ng nagluluto. “Wag kayo mahihiya akin mga anak. Sila lang akin bisita, gusto ko marami punta sa kaarawan ko. Sige na. Basta aasahan ko pagdating nila. Lalabas na ako at parang dumating na panganay ko.” Sabi ng donya. Hindi na nagsalita si Julia at nagpatuloy nalang sa pagluto.

Nang maluto na lahat ng putahe. Ibinigay na nang matandang donya ang sweldo ng tigaluto. Dahil nagustuhan nito ang lasa ng mga pagkain, binigyan siya nito ng malaking halaga. At pinaalahanan nitong bumalik siya kasama ang pamilya nito. “Maraming-maraming salamat po!“ika ni Aling Julia.

Maya-maya’y umalis na ito. Sa kanyang daan pauwi, masayang-masaya siya sa natanggap na salapi. Sa sobrang kasiyahan, panay ang pag-iisip nito kung ano ang bibilhin para sa kanyang asawa at anak kaya di nito namalayang may sumusunod na pala sa kanyang isang lalake may dala-dalang patalim. Nilapitan siya nito at itinutok ang patalim sa ginang. “ Akin na iyan pera mo. Huwag kang sisigaw kundi, sasaksakin kita!” Akin na yan!”, ika na galit na galit na mama. Pilit nitong hinablot ang perang hawak hawak ng ginang. Hindi naman ito agad ibinigay ng ginang.” Huwag po! Maawa kayo sa akin. Poinaghirapan ko po itong halagang ito.”natatakot at nagmamakaawang sabi ni Aling Julia. “Wala akong pakialam! Akin na yang pera!”, sagot ng magnanakaw. Nanlaban ang ale at sumigaw para humingi ng tulong. “Mga kapitbahay, tulongan niyo po ako.“ Pero bago pa siya makapagtawag ulit ng tulong, ilang beses nang naisaksak ng magnanakaw ang patalim sa katawan ng ginang. “Tulong Enteng, Romeo. Tu..long.” Nanghina ito at natumba. Sa di kalayuan, may isang batang nakasaksi sa krimen at kumaripas ng takbo sa bahay nina Mang Enteng.

“Mang Enteng! Romeo!”, sigaw ni Gregorio. Lumabas ang mag-ama. ”Ano yon iho? May problema ba?” tanong ni Mang Enteng. “Si…si Aling Julia po sinaksak ng isang magnanakaw.doon malapit sa Mansyon.” Sagot ng umiiyak na bata. Nagulantang ang mag-ama sa sinabi ng bata at mabilis silang tumakbo papunta sa nasabing lugar. Ni hindi na nila naisip na magsuot ng tsinelas.“

Sa isang madilim na bahagi ng daan, doon kanilang nadatnan si Aling Julia, duguan, nahihirapang himinga at naghihingalo. “ Julia, sinong may gawa nito? Sino?”, sigaw ng mama. “Nay, nay! Anong nagnyari? Napapaluhang sabi ng anak. “Habang pilit iniinda ang sakit na nararmdaman, nagpahiwatig ng ilang saloobin si Julia.“ E….Enteng, mahal na mahal ko kayo. Ipa….pangako mo sa aking bibigyan mo siya ng magandang kinabukasan. Enteng, huwag na huwag mo siyang pababayaan. “ Huwag kang magsalita ng ganyan!” Julia, bakit ako lang? Hindi, tayo, oo tayong dalawa ang mag-aalaga sa kanya. Palalakihin natin siya’y may takot sa Diyos. Diba yan ang pangarap nating dalawa? Bubuo tayo ng isang masaya at matiwasay na buhay kasama ang ating anak. Nakalimutan mo na ba?” Humahagolgol na sabi ng ginoo sa kanyang asawa.patulou pa rin tiong nagsalita.“Patawad Enteng. Pa…patawad.Romeo kung iiwan na kita. A..alagaan mo ang itay mo. Anak ha.?” Mahigpit na hinawakan ng anak ang dalawang kamay ng ina.at nagsabing, ”Nay, huwag po kayong magsalita ng ganyan. Tulong! Tumawag kayo ng doktor. Tulong!” “Anak, Enteng patawad, Ma…mahal ko ka…kayo. Mahal na ma…mahal..” Julia! Hindi mahal ko! Bakit ikaw pa? Bakit!”

Kabanata 3. Dalawang Tenga, dalawang mata, ngayon matagumpay na

Ikatlong araw na ng burol ni Aling Celia. Sa loob ng kanilang maliit na kubo, sa ibabaw ng malapad na lamesa, nakapatong ang kabaong ng nasawing ginang. Dahil nga sila’y mahirap lang, ang kabaong ay gawa lamang sa mga plywood na pinagambag-abagan bilhin ng mga kaibigan ng mag-asawa. Sa harap ng kabaong na pinalilibutan ng mga bulaklak at ilaw, tulalang nakaupo ang asawa ng nasawi na si Enteng. Maya-maya ang pagtulo ng kanyang luha. Hindi pa rin nito matanggap ang pagkamatay ng kanyang maybahay.

Sa tabi naman nito’y nakaupo ang kanilang anak na si Romeo. Tahimik at nakayuko ang ulo na animo’y taimtim na nagdarasal. Di mawari ang kanyang nararamdaman. Ang nasa isip lang niya, “kung meron lang ospital dito sa amin o kahit doktor o nars man lang. Kung meron lang, buhay pa sana si inay! Buhay pa sana siya!”

Tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. Kahit di pa niya lubos na natanggap ang naturang kaganapan pilit niyang nilalakasan ang kanyang loob. Naisip niyang kailangang siya ng kanyang ama. Pinahid nito ang kanyang luha at nagsimulang tumayo sa harapan ng tulalang ama. Hinawakan nito ang kamay ng ama at nagwika, “Itay, lakasan niyo po ang loob ninyo. Kahit wala na po si inay, alam ko po babanatayan parin niya tayo. Nararamgaman ko. Iniwan lang niya ang mundo pero tayo hindi. Tay, tanggapin na po natin. Wala na po tayong magagawa. Wala na po!” Gaya ng naganap noong ipinanganak si Romeo, ang boses ng bata’y parang gamot na pumukaw sa isipan ng ama. Para bang kidlat na tumama na naging dahilan upang ito’y bumalik sa sariling katinuan. “Anak, patawarin mo ko kung naging mahina ako, patawad. Tutuparin ko ang mga panganrap naming ng nanay mo.Bibigyan kita ng magandang buhay. Umasa kang may maganda rin na mangyayri sa atin marahil sa mga pagkakataong di natin inaasahan.” Niyakap ng ama ang anak at nilapitan nila ang kabaong. “Nay, mahal na mahal po naming kayo.” Taus-pusong sinabi ng bata sa babaeng nasa loob ng kabaong. May dumapong isang puting paru-paro sa ibabaw ng kabaong. Masaya itong pinagmasdan ng mag-ama. Di naglaoy lumipad ito patungo sa likuran nila. Sinundan nila ito ng tingin at napatalikod. Sa harap, nila ang isang pamilyar na babae, si Aling Martha. Ang kusinera ng mga Ang. ”Enteng, Romeo magandang gabi sa inyo. Patawad kung di ako nakakadalaw. Mabuti nalang, pinapunta ako ng mga amo ko dito para ibigay itong sobre. At tsaka nabanggit din nila na bumili sila ng lupa doon sa seminteryo para gawing libingan ni Julia. Ito raw ang kapalit ng matagal niyo ng pagseserbisyo sa Pamilyang Ang.”, wika ni Aling Martha. “Pakisabi maraming maraming salamat. Tatanawin ko tong malaking utang na loob.”, nakangiti at maluhaluhang sabi ni Enteng.

Limang araw ang lumipas. Alas-otso ng umaga, naghahanda na ang mag-ama para sa sa libing ng ilaw ng kanilang tahanan. Parehong nagsuot ng puting damit. Pagdating nila sa sementeryo, naging matahimik ang palibing. Pilit pinigilan ng mga taong dumalo ang kanilang mga luha upang bigyan ng lakas ng loob ang mag-amang Enteng at Romeo. “Sa ngalan ng ama ng anak at ng espirtu santo, Amen” Natapos ang seremonya. Nagpaiwan ang mag-ama upang makapagpaalam ng maayos.

May dumapong paru-parong puti sa may puntod ng yumao. “Nay ikaw ba yan? Ang ganda-ganda niyo namang pong paru-paro.”, nakangiting sabi ng bata. Lumipas ang ilang segundo, ito’y muling lumipad na para bang lilisan na.” Mahal ko, paalam sa iyo. Nawa’y maging masaya ka kapiling ang Panginoon” pamamaalam ng asawa. Kinawayan ng mag-ama ang paru-paro na parang nag-papaalam kay Aling Julia.

Pagkalipas ng halos dalawang taon, ganoon parin ang pamumuhay ng mag-ama. Kasama parin ni Mang Enteng ang alagang si Manolo sa pagsasaka. Si Romeo naman ay nasa ikalawang taon na sa hayskul na nag—aral sa bayan sa tulong ng Pamilyang Ang. Paminsan-minsan lang ito umuwi pero panay ang pagpapadala niya ng sulat sa kanyang itay.

Tanghaling tapat ng ika-13 ng Agosto, kakatapos lang ng pagsusulit nina Romeo sa Matematika, masayang nagtatanghalian ang kanyang barkada sa isang karenderya. “Kumusta yong pagsusulit? Sa tingin niyo papasa kayo?”, tanong ni Gregorio sa mga kabarda. “Hahay naku! Ano pa bang dapat asahan? E si Romeo lang naman ang palaging mataas ang marka sa Matematika.”, ika ni Kiko sabay siko sa katabi. “Ano ba naman kayo? Ayan na naman, nang-aasar nanaman.ulit. Tigilan niyo na nga ako. ”, naiinis na sabi ni Romeo.

Biglang sumingit sa usapan ang isang matikas na estudyanteng nasa ika–apat na taon. “Maaari ba akong makadistorbo sa inyo?”, ika ng estranghero.” Magandang tanghali, ako nga pala si Kaloy, presidente ng isang organisasyon dito sa paaralan, ang Samahan ng mga Nagpropotekta sa Kalikasan o mas kilala sa SANAKA. Nais ko sana kayong hikayating sumali sa aming oganisasyon. Mamayang alas kwatro ng hapon, meron kaming pagtitipon doon sa may malaking puno sa may opisina ng punong-guro. Kung nanaisin ninyo, maari kayong dumalo para mas makilala ang aming mga opisyales at kung para saan ang grupong ito.” Aasahan ko ang pagpunta ninyo. Salamat sa pakikinig, Paalam!” Mabilis na lumakad ang nagpakilalng si Kaloy.

Pagkatapos ng kanilang klase sa Agham, di nag-atubiling dumiretso si Romeo sa pagpupulong ng SANAKA. Doon kanyang nalaman ang magandang hangarin ng grupo. Nagpamiyembro ito at mula noon panay na ang pagdalo niya sa mga pagpupulong at mga aktibidades.

Ika-22 ng Setyembre ng sumunod na taon, dumalo siya sa isang seminar. Doon siya’y nagpamalas ng katalinuhan, abilidad at mga talento. Napansin siya ng tagapayo at kinausap.” G. Angeles, napansin kong napakagaling mong bata. Nakikita ko ssa iyong may kakayahan kang mamuno dahil sa iyongabilidada at talino. Papayag ka ba na ikaw ang maging opisyales sa susunod na taon?” Hindi makapaniwala ang bata sa nasabi ng guro. Ang nasabi lang niya ay, “Ang mga miyembro na po ang bahala kung sa tingin nila na karapat-dapat ako.

Sa bawat gawain ng binata, ibinibigay niya ang lahat. Makikita sa kanyang mga trabaho ang kanyang pagiging maabilidada at responsable. Napansin ito ng ibang miyembro kaya sa sumunod na eleksyon, siya ang napiling Pangalawang Pangulo at Pangulo sa sumunod pang taon. Sa kanyang panunugkulan, iba’t ibang komento ang maririrnig sa mga estudyante. May mga magaganda at kapuri-puring mga puna at meron namang nakasira ng reputasyon.

Isang araw, sa pagpunta niya sa kantin sa loob ng kanilang paaralan, narinig niyang nag-uusap ang iasang grupo ng mga estudyante. “Alam niyo ba yong presedente natin, panay ang pagliban sa klase. Palagi kasi siyang umaalis para makipagpulong sa mga kilalang tao o di kaya’y sumasalis a mga pakontes. Ganoon paman malaki parin ang nakukuha niyang marka.” “E san niya nakuha iyon?” tanong ng isa pang babae. “E saan pa edi wala. Ang guro na niya ang bahala. Yong guro din kasi niya ang kanyang tagapayo sa tuwing sasali siya sa mga paligsahan.”, sagot ng naunang nagkwento. Kumontra naman ang isang lalake, “Ano ba naman kayo, e dapat nga maging masaya tayo sa kanyang mga panalo. Malay niyo, binibigyan pala siya ng mga espesyal na pagsusulit.” “ A basta ang alam ko e di naman talaga siya matalino, magaling lang siyang magsalita. Nalaman ko nga na mukhang babagsak ata siya sa Matematika ngayong taon. Kung ganoon man buti nga sa kanya!”, naiinis na sabi ng isa pang babae. Nadurog ang puso niya ng marinig ang mga sinabi ng mga estudyante. Tumakbo na lang ito pabalik sa kanilang sild-aralan. Hindi niya napigilan ang kanyang luha. Nakita siya ni Gng. Durendez na umiiyak at nilapitan siya nito. “Romeo, ayos ka lang ba? May problema ba? Baka makatulong ako sa iyo.”, wika ng guro. “A e kasi po narinig ko po ang ibang mga estudyante na naninira sa akin. Masakit po na marinig na kahit anong pagsusumikap ko na maging maayos ang mga ginagawa ko e hindi parin ito nagugustuhan ng lahat.” Naiiyak na sabi ng binata. “Alam mo Romeo, hindi mo kailangan pasayahin at magustuhan ka lahat. Ang lagi mong iisipin, gawin mo ang isang bagay hindi lang dahil gusto mo kundi ito’y tama at para sa kabutihan ng nakararami. Huwag mong isipin ang mga sinabi nila. Ang mas amigi ay patunayan mo na mali sila.” “Salamat po ma’am!” Nang maghihiwalay na sila napansin niyang may isang paru-paro palang dumapo sa likuran ng guro. Sa kanyang isip, “Nay, salamat po. Di niyo po talaga ako iniiwan”

Simula ng marinig niya ang mga salitang iyon mula kay Gng. Durendez, mas nagpursige na ito sa kanyang mga agawain. Pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa posisyon at kaya niyang ibalanse ang kanyang pag-aaral at pamumuno. Bilang presidente, napili siyang ipadala sa Lungsod ng Dabaw upang dumalo sa isang seminar na dinaluhan ng libu-libong mga pinuno ng iba’t-ibang SANAKA sa buong Pilipinas. Bilang pangulo sa rehiyon nila, napili siyang kumandidato bilang presidente ng lahat ng mga SANAKA sa buong bansa. Napakahigpit ng naging laban pero si Romeo parin ang nagwagi. Naging maayos ang pagtanggap ng mga tao sa kanya. Bilang bagong presidente, siya ay naging kinatawan at tagapagsalita ng mga kabataang Pilipino sa DENR.

Sa kanyang pagpapatuloy sa kolehiyo, muli siyang naging aktibo sa mga organisasyon. Marami siyang pagtitipon at seminar na dinaluhan sa kanilang lugar at maging sa labas ng bansa. Pinadala siya ng kanilang unibersidad sa bansang Amerika bilang exchange student. Sunod-sunod ang naging magandang pangyayari sa buhay ng binata. Sa kanyang pagtatapos, gumadruate siya bilang Cum Laude sa kursong Abogasya. Dahil sa kanyang magandang perpormans bilang abogado, maraming siyang taong mahihirap na natulungan. Pinakamarami, sa kanyang tinubuang probinsya sa Ilocos. Naging daan rin ito para kumbinsehen siya ng kanyang mga kababayan na tumakbo bilang gobernador. Sa tulong ng Pamilya Ang, tumakbo ito at nanalo na may lamang na halos isang libong boto.

Mula ng maloklok siya sa posisyon, marami nang pagbabago sa kanyang nasasakupan. Iba’t-ibang pagkakakitaan na ang naipatayo. Maraming negosyo ang lumago. Napaayos at nadagdagan din ang mga silid-aralan ng kanilang paaralan. Nagkaroon ng mga motorsiklo na siyang naging pangunahing transportasyon sa kanilang barrio. Kahit malayo na ang kanyang narating, hinayaan parin niya ang ama sa kanyang kagustuhang magpatuloy sa kanyang simpleng buhay sa bukirin kasama si Manolo. Ang ginawa na lamang niya ay nagpadala siya ng makakatulong ng ama at pinatayoan niya ito ng isang katamtamang laking bahay sa parehong lupa kung saan nakatayo ang kubo nila. Sa kabuuan, naging matagumpay siya sa pagpapaunlad sa kanyang buhay at sa bayan. Kung noon, panay reklamo ang mnaririnig mula sa bibig ng mga tiga barrio, napalitan na ito ng pagpapasalamat sa kanilang inihalal na si Gobernador Romeo Angeles ng Sigamoy, Ilocos Norte. Sa maraming pagkakataon ng kanyang buhay, siya man ay nasa kabiguan o tagumpay ay meron at meron siyang nakikitang isang puting paru-paro na sa kanya’y nagbababantay.

(P.S. Nanalo ito bilang 1st placer sa isang story telling contest…Sa tingin mo deserving ba to manalo? comment ka naman…)

No comments:

Post a Comment